Friday, January 20, 2012

Padre Damaso

Araw-araw ay ipinagdarasal ko ang mga pari. Mula sa kapatid, kumpare at kura parokong si Fr. Erik, mga kaibigang sina Fr. Jek at Fr. Herbert, mga kaututang dilang sina Fr. Sander at Fr. Robert at mga kakilala sa iba't ibang Parokya --- maging ang matalik na kaibigang si Fr. Edmond na sa Japan naninilbihan. Kasama ang lahat ng paring nanilbihan sa aming Parokya, naging kakilala through the years, at pati na rin nga yung magpapapari pa lamang. Kasama na rito ang mga obispo, lalo na dati ang aking mahal na si Cardinal Sin at maging si Lolo Gaudencio. At ngayon nga si Archbishop Luis Antonio.

Pero parang di ko yata masabi na kasama sa dasal ko si retired Bp. Oscar Cruz.

Dati-rati ay bilib ako sa tapang niya. At least, told myself then, the old man has balls. Parang si Fr. Robert Reyes noon na sa aking sukat ay maski papaano, may paninindigan, may pinaglalaban.

Pero di ko yata masabi ngayon na hanga pa ako sa 'tapang' ni Bp. Oscar Cruz.

Kung anu-ano ang sinasasabi, kung anu-anong pa-andar na nakakasakit sa dibdib. Sabi nga ni Aling Virgie na di na nagkaanak sa loob ng dalawampung taong kasal, parang hindi pari kung magsalita. Sabi nga ni Dondon na may kinakasamang boyfriend na marangal na nagtratrabaho sa ADB, parang wala si Kristo sa kanyang dibdib. Sabi nga ng kaibigang kong born-again, nasaan ang compassion na tinuturo ni Hesus?

Pero di ko yata tanggap na ganun talaga si Bp. Oscar Cruz.

Matapang na magbibigay ng opinyon, malakas ang loob na tumira sa pamahalaan --- ayos lang sa akin ang mga ganun. Ang sa akin lang, sana liwanagin niya na retired at tired bishop na siya. Ibig sabihin, hindi siya kinatawan o spokesperson ng anuman o sinuman. Sana liwanagin niya na ang kanyang opinyon o anumang pinaglalaban ay kanya lamang. Hindi sa CBCP, hindi sa samahan ng kung ano, hindi sa buong Simbahang Katolika. Ang masakit napaka-media savvy niya eh. Nagpapresscon, nagpapa-interview,  at nagpapadala ng press releases. At lahat ng gusto niyang sabihin ay patungo sa pangheadline na pagpapakontrobersyal. Tawag diyan, media prostitute. Gagawin lahat, madiyaryo lang.

Pero di ko yata matanggap na may pinaglalaban talaga si Bp. Oscar Cruz.

May nagsabi sa akin, noong panahon ng martial law, hindi yan kumikibo. Sa gitna ng pandaraya at pagnanakaw, karahasan at kawalan ng katarungan sa rehimen ni Gloria, parang martial law din --- at si Bp. Oscar Cruz, ang tanging pinaglaban ay jueteng. At ngayon, sa gitna ng mga issues ng RH at Impeachment, ang matapang na si Bp. Oscar Cruz ay tila si Joker Arroyo lamang. Tumatanda ng paurong. Ang pinaglalaban niya ay para sa doon higit na makikinabang; ang pinaglalaban niya ay hindi ayon sa pamamaraang turo ni Hesus.

Pero di ko matanggap na ang buong Simbahan ay nadadamay dahil kay Bp. Oscar Cruz.

Sa isang thread, kung alisputahin ang mga pari dahil kay Bp. Oscar Cruz ay ganun-ganun na lamang. May nagpost na kaya tumalikod sila sa pagiging Katoliko dahil sa mga alagad na tulad ni Bp. Oscar Cruz. May kung anu-anong tawag o bansag sa mga taga-Simbahan dahil sa inis kay Bp. Oscar Cruz. Pati ang ibang relihiyon ay nakisama at nakisawsaw sa pangungutya dahil sa galit kay Bp. Oscar Cruz. Ikaw na , Bp Oscar Cruz, ang makabagong Padre Damaso.

Pero di ko yata  masabi ngayon na hindi ko dapat ipagdasal si Bp. Oscar Cruz.

Sa aking pagninilay kaninang umaga sa Misa, tamang-tama dahil ang Ebanghelyo ay tungkol sa pagtawag ni Hesus ng kanyang mga apostoles, naisip ko si Bp. Oscar Cruz. Si Hesus hindi nagsisino, hindi namimili, walang diskriminisasyon. Ang kanyang mga alagad ay mga halos tinanggihan ng lipunan, nabansagan pang makasalanan ang ilan. Ganundin din si Bp. Oscar Cruz. Tinawag ni Hesus bilang kanyang alagad. May kasalanan sa lipunan, may atraso sa mga naaaping kababayan. Pero pinili pa rin siya ni Hesus.

Bago matapos ang Misa kanina, pinikit ko ang aking mata, kasama na si Bp. Oscar Cruz sa aking dasal.

Wednesday, January 18, 2012

Kagandahang asal sa pagdalo ng Misa

Ayoko namang maging Pariseo o Paulino na nabuhay sa pagmamasid sa Misa, paghahanap ng mali o paghihintay ng pagkakamali. Pero napagnilayan ko lamang na gamitin ang 'power of social networking (ito rin naman ang sabi sa amin sa Ministry for Social Communications ng Archdiocese of Manila) sa pagbibigay paalala sa mga tamang gawi sa pagdalo ng Misa. Ito naman ay opinyon lang na maaring maging pakiusap sa mga kababasa at maaari ring gamiting gabay ng iba. I will make it as light as possible para di naman self-righteous ang projection ko. Again, hindi ako Paulino.

1. Maging conscious sa time. I am sure kung ikaw ay matagal nang parokyano ng isang Parokya o madalas ka nang magsimba sa isang Simbahan, alam mo na dapat ang Mass Schedule. Kung special celebration/feast naman, announcements are being made to inform the parishioners or you can simply call the office to verify.

Pero yung iba, sadyang mahilig sa dramatic entrance. Darating nang late, tapos gusto pa uupo sa harapan, makikipagbeso-beso sa kakilala, titingin sa orasan na parang ang pari pa ang mali sa oras. Yung iba darating after ng homily, tapos pipila sa communion. At ito ang pinaka-jologs sa lahat, darating sa kung anong aabutan tapos aattend uli sa susunod na Misa para mapakinggan yung na-miss tapos aalis uli pag dumating na sa portion na kung yung naabutan nung unang Misa. Parang sine lang. E naman, pati sine ngayon e may oras na, nagpapalabas ng tao kapag tapos na palabas at di na puwedeng ulitin.

Yung iba, mahilig din sa dramatic exit. Kapag communion, aalis na, wala nang keber sa final blessing. Kapag may mass announcement, aalis na, yun tuloy di alam na may cancel pa lang ganito, may ganun pa lang activity, tapos magsasabi na 'they were not informed...' Hay.

Paalala No. 1: Huwag ma-late para hindi rin late ang biyaya.

2. Maging concious sa suot. Dito ay medyo guilty ako. Kasi dati pagkajogging ko ay nagsisimba ako daily ng 5:45AM. Pero hindi naman ako nakasando o nakasuot ng pawisang t-shirt. Usually may baon ako at nagpapalit ng pantaas. Pero lately di ko na ginagawa (sa gabi na ako nag-ssprint o rowing) ang ganun. Kaya naka-John Lloyd get-up na ako pag nagsisimba sa umaga.

Pero yung iba, kahit Linggo, nakakaloka. Naka-shorts, nakaduster, naka-Pek shorts, naka tanktop...Hindi naman kailangan dumating ng naka-gown o nakatuxedo. Dahil tayo ay Simbahan ng mga Dukha, maski simpleng kasuotan ay pwede na. Payak subali't kaaya-ya.  Hindi yung parang napadaan ka lang o pupunta sa mall (yung iba nga pagpupunta sa mall ay todo outfit, pero pag Misa parang galing sa banig). Pagdating dito ay idol ko si Tatay Pinong Sayo, as in naka Sunday Best talaga siya pag nagsisimba. Noong  bata pa kami, Sabado pa lang ng gabi ay nakahanda na ang 'magara' naming suot pangsimba. Meron kaming ganung set of wardrobe 'pang-simba'.

Paalala no. 2. Huwag magsuot ng kung anu-ano. Ikaw din, baka mahubaran ka ng biyaya.

3. Maging gising sa Misa. Naalala ko tuloy si Fr. Ferdie Fajardo. Sabi niya minsan sa kanyang homily sa isang 5:45 Mass, kayo naman sinasayang niyo ang paggising nyo ng maaga, sinasayang niyo ang pagbibihis, sinasayang niyo ang paglagay ng lipstick kahit lagpas...matutulog lang pala kayo sa Misa. Kapag Simbang Gabi naman, 3AM pa lang ay puno na ang Simbahan...pero pagdating ng Misa, kalahati nito ay mahimbing na ang tulog sa loob ng Simbahan habang ginaganap ang pagdiriwang.

Pero yung iba, kahit hindi maaga o Simbang Gabi, sadyang tinutulugan ang Misa. Nakakaantok daw si Father...E yung iba nga, wala pang homily, nakapikit na. Naalala ko tuloy ang nasirang Dakilang Manunulat, napahimbing ang tulog niya sa Misa, tapos naalimpungatan, biglang tumayo habang ang lahat ay nakaupo at biglang lumabas ng Simbahan. Noong na-realize niyang hindi pa tapos ang Misa, bumalik siya sa kanyang upuan.

Paalala no. 3 Huwag matulog sa Misa, either tutulugan din kayo ng biyaya o baka hindi na kayo magising ng tuluyan.

4. Maging magalang sa Misa. Hindi ko maintidihan kung bakit kailangang sumingit sa pila kapag communion. Parang maabusan ng hostia. Hindi ko alam kung bakit kailangang kasama ang alagang aso sa loob ng Simbahan at nakapuwesto pa talaga sa harapan. Hindi ko alam kung bakit kailangan mag-chikahan habang nagmimisa. Hindi ko alam kung bakit kailangang sumiksik sa isang pew e ang dami-dami namang ibang pew, para maganda ang view kay Father?

Pero yung iba, sadyang inakala na  'social gathering' ang Misa. May super-friendly na lahat kinawayan o nakikipag-beso-beso kahit na habang may Misa. May sobrang suplada namang ayaw makipag-Peace be with you at parang bahong-baho sa paligid na nakatakip ang ilong buong Misa. May maingay na akala mo nasa videoke lang. Ok lang naman kumanta ng malakas kahit wala sa tono dahil ito ay pagpupuri sa Panginoon at aktibong pakikilahok sa Misa. Pero yung makipagdaldalan, yung mag-ikot ng mata at maghanap ng crush o kakilala, yung mamintas o maghanap ng mali sa iba lalo na sa lector, yung itsismis si Father o yung kasamahan sa organization, yung kumanta ang choir na sila lang ang may alam ng kanta...ito ay hindi na pakikilahok sa Misa. Ito na ay pagtalampasan sa esensiya ng pagdiriwang ng Eukaristiya.

Paalala no. 4. Huwag bastusin ang Misa at ang ibang nagsisimba. Kayo rin, baka kunin na kayo ni Lord.

Wednesday, January 4, 2012

Turo-turo

Ang wikang Filipino ay sadyang mabulaklak. Ang isang salita ay maraming ibig sabihin at nagagamit sa iba't ibang pamamaraan. Tulad ng salitang TURO. Maaaring gamitin  sa pagbibigay aral o to teach at maaari rin namang gamitin sa pagtukoy ng bagay, tao o lugar o to point. Namukadkad pa ang salitang turo at namunga ng salitang turo-turo, isang kolokyal na turing sa mga karinderya o maliit na nakinig  kainan.


Sa Ebanghelyo ngayon (John 1:35-42), parehong ginamit ang ibig sabihin ng turo.Tinuro (point) ni Juan Bautista kay Andres ang nagdaraang si Hesus at sumunod ang alagad sa Dakilang Guro. Sumama si Andres at nakinig sa turo (teachings) ni Hesus. Pagkatapos niyang makinig sa turo ay ibinahagi niya ito sa kanyang kapatid, Simon Pedro. Tinuro niya rin sa kapatid ang Panginoon at pareho na silang naging alagad. Sa kinalaunan, ang mga alagad na tulad ni Andres at Simon Pedro ay silbing tagapagpatuloy ng misyon upang magturo-turo (to teach and to point).


Hinahamon din tayong magturo-turo. Hindi sapat na kilala lang natin si Hesus. Hindi sapat na sinasabi nating nasa puso at isipan si Hesus. Dahil si Hesus ay hindi sinasarili, hindi tinatago, hindi nasa loob lamang ng Simbahan o pook-dasalan. Si Hesus ay tinuturo (point) sa iba upang sila rin ay makakilala rito at makapagbukas ng puso sa pagtanggap. Ang salita ni Hesus ay tinuturo (teach) upang makapamuhay ang lahat ayon dito. Ito ay binabahagi at pinapalawig upang lahat ay makaranas ng kaganapan ng buhay at matikman ang mga munting langit dito sa lupa pa lamang. 


Si Hesus ay tinuturo (point) sa iba, sa kapwa --- dahil Siya na mismo ang nagsabi, Siya ay makikita sa bawa't isa, lalong lalo na sa pinakamaliliit nating kapatid. Si Hesus ay tinuturo (teach) sa lahat --- dahil sa Kanya lamang natin magagagap ang wagas na Pag-ibig.


Ang turo-turo ni Hesus ay punumpuno ng pagkain ng buhay, punumpuno ng biyaya. Ang turo-turo ni Hesus ay bukas para sa lahat. Tayo nang sumama, makibahagi at magbahagi sa pagtuturo at pagbibigay turo.