Thursday, August 19, 2010

Munting Langit 4

Ang Ebanghelyo ngayong araw ay tungkol sa paanyaya at panawagan. Kung iintindihin natin, marami ring tumatanggi sa paanyaya ni Hesus. Siguro dahil tayo bilang tao ay pinagkalooban ng kalayaan. Tulad sa mga ordinaryong imbitasyon, malaya tayong sumagot ng oo at hindi, ng oo pero hindi naman pupunta, hindi pero magbabago ng isip at pupunta na rin, pupunta pero wala naman sa kalooban ang pagtugon at hindi nakahanda.

Tunay ngang maraming tinatawag, katunayan, lahat tayo ay tinatawag. Yun nga lamang, para sa nakakarami, mas madaling tumanggi. Bagama't binibigyan tayo ng bago at malinis na puso (Unang Pagbasa, Ezekiel) at ginagabayan ng Kanyang Espiritu, ang kalayaan pa rin nating makapamili ay lagi nating pinapairal. Minsan, matigas pa rin ang puso natin sa pagtanggi. At kung susuriin, kung ang Diyos ay natatanggihan natin, paano pa kaya ang mga taong hindi natin gusto?

Si Ate N ay tinanggihan ng kanyang asawa at iniwan ng tatlong anak na lalaki hindi upang mangibang bayan, kundi para mangibang bahay. Mahabang panahon na mag-isang binuno ni Ate N ang pagpapalaki sa tatlong anak. Hindi yun madali lalo na kung ang trabaho niya bilang Librarian ay hindi naman sapat na pantustos sa pagpapaaral ng mga anak. At sa kabila ng hamong ito, si Ate N ay masigasig na tagapag-ugnay sa Parokya. Siya ang namumuno ng Ministri ng Paghuhubog. Hindi ko alam kung superwoman si Ate N pero mahusay rin niyang nahubog ang mga anak, maging sila ay naglilingkod sa Simbahan at sa mga pamayanan. Arkitekto na yung panganay ni Ate, yung pangalawa ay maayos naman ang buhay at yung pangatlo ay nagsa-Saudi na rin. Wala kang makikitang bahid ng pagkagalit sa mundo kaninuman sa kanila, kilala sila sa Parokya bilang mga magagaang ka-trabaho, walang excess baggage ika nga.

Minsan ay nakatanggap ng tawag sa telepono si Ate N. May sakit daw ang kanyang asawa at malapit nang mamatay. Hindi tinanggihan ni Ate N ang pakiusap ng nasa kabilang linya: ang alagaan ang dating asawa. Sa madaling salita, inuwi niya ito at inaruga. Nung namatay, sa bahay pa nila binurol, si Ate N na iniwan at tinanggihan ang nag-asikaso.

Ang kapatid ni Ate N ay naglilingkod din sa Parokya, siya rin ay biktima ng rejection sa pamilya. Intsik ang kanyang napangasawa kaya hindi siya tanggap ng pamilya ng lalaki. Kung ano-anong pagkukutya ang pinagdaanan ni Ate L lalo sa kanyang biyenang babae. Pero gaya ni Ate N, may ginintuang puso si Ate L. Noong nagkasakit dahil sa katandaan ang biyenan, siya ang nagsilbing tagapag-alaga nito. Kahit na minsan ay nagagalit sa kanya ang ilan niyang mga anak, pinakita ni Ate L na walang puwang ang galit at paghihiganti sa kanyang puso. Hindi niya tinanggihan ang hamong magpakabuti, magmalasakit at magmahal maging sa taong niyurakan ang kanyang tao.

Ang kasama namin ni Ate L sa BEC cluster na si Vacion ay kasambahay. All-around. Tagalaba, tagapag-alaga, tagalinis, taga lahat. Ang twist ang amo niya ay lider din sa aming Parokya. Mabait naman ang kanyang amo pero minsan ay pinipigilan itong dumalo sa mga pulong. Istorbo raw yung mga gawaing Simbahan, magkasya na lamang daw sa pagdarasal. Pero nakakagawa pa rin ng paraan si Vacion, ikanga, time management lamang. Hindi niya pinapabayaan ang trabaho habang binibigyan niya ng panahon ang pagbubuo ng munting langit sa mga pamayanan. Pero hindi yun ganun kadali. Dahil 'katulong lang' siya, hindi siya pinaniniwalaan ng karamihan. Paano daw ay siya nga mismo ay hirap daw, hindi raw maganda ang buhay, ang trabaho ay hindi raw marangal. Tinatanggihan siyang maging lider ng pamayanan dahil siya raw mismo ay alila lang.

Pero nalagpasan ni Vacion ang lahat ng pagtanggi at panlalait sa kanya. Para sa kanya, hanggang dala niya sa kanyang puso si Hesus, sa gabay ng Espiritu Santo, kakayanin niya ang lahat ng panlilibak. Sa kanyang pagtugon sa paanyaya ni Hesus, ito mismo ang kanyang sandata sa pag-anyaya sa iba. Si Hesus mismo, si Hesus lamang. Kaya kung tatanggihan ninuman si Vacion, si Hesus na rin ang kanilang tinalikuran

Sa pagbubuo natin ng munting langit, tayo ay makakaranas ng pagtanggi. Maraming-maraming pagtanggi.

Wednesday, August 18, 2010

Munting Langit 3

Sa paglilingkod sa Panginoon at sa kapwa ang lahat ay pantay-pantay. Tulad ng diwa ng Ebanghelyo ngayong araw, walang lamang ang nauna at hindi sagabal kung huli ka nang tumugon. Ang mahalaga ay tinanggap mo ang panawagan at hamon na magbigay ng panahon para maging ka-manggagawa ni Kristo. Hindi sagabal ang anumang kalagayan sa buhay, mahirap man o mayaman, anuman ang kasarian, upang sumama sa pagtataguyod ng mga Munting Langit dito sa lupa.

Sa aming Parokya ay mga 'kakaibang ka-manggagawa' na sumasalamin sa pagkapantay-pantay ng dignidad; na sa kabila ng pagkakaiba o pagiging 'iba' ay nakiisa sa paglilingkod.

Unang halimbawa ay si Ryan, 11 years old, altar boy. Siya ay isang special child. Sa isang politically incorrect na lipunan ang tawag sa kanya ay Mongoloid. Subali't hindi balakid ang kanyang anyo at pagkatao, maging ang pagkutya ng mga ibang tao, upang siya'y maging aktibong kumikilos sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Nung una ay nakakailang ang kanyang kalikutan. Pero sa masigasig at matiyagang pagsasanay at pagkalinga, si Ryan ay tila isang anghel na nagpapadagdag ng sigla at nagbibigay ng inspirasyon tuwing 6PM Mass, araw ng Linggo.

Pangalawa si Engel, lector/commentator. Walang 'tama' si Engel pero ang kanyang ina na kung tawagin sa Simbahan ay Ate Guy ay mayroon. Minsan dumadalo sa mga Misa ang kanyang ina na naka-saya, minsan naka-long gown, minsan nakacostume na parang doktora at may bitbit na manika. Tahimik lamang si 'Ate Guy' sa kaniyang sariling mundo sa loob ng Simbahan. Nagtataas ng kamay at winawagayway ito habang umiikot na inaawit ang Papuri. Nakadipa kapag sinasambit ang Ama Namin. At minsan ay naglalakad ng paluhod. At Si Engel? Sinasamahan ang kanyang ina at laging handang tupdin ang kanyang tungkulin sa pagbabasa ng Salita ng Diyos.

Pangatlo si Mareng Loida, isang pilay na nagtratrabaho bilang Accounting Clerk sa opisina ng Parokya. Napagtanto niyang hindi lamang siya dapat makahon sa pagbibilang ng koleksyon. Naisip niya na bakit hindi niya i-organize ang mga PWD o mga persons with disabilities ng Parokya? Ginawa nga niya ito at makikita mo sa mga Misa, magkakasamang nagsisimba ang mga pilay at pingkaw, ang mga bulag, ang mga pipi't bingi. May mga volunteer na rin, pati na si Mareng Loida, na nag-aral ng sign language para tumulong sa paggabay o pag-interpret tuwing Misa. Nakarating na sila kung saan-sana, nakapasyal na rin sa Ocean Park, buwan-buwan ay may sharing at formation, nagkaroon na ng recollection....lahat sa pamumuno ng aking kumareng Loida.

Pang-apat si Nanay Glecy, 86 years old. Kung iba ay nag-aalaga na lang ng apo o nakaupo sa tumba-tumba at nanggagantsilyo, si Nanay Glecy ay tagabukas pa rin ng Simbahan at tagaasikaso ng mga Misa sa umaga. Kung yung iba ay dinadala sa home for aged o inuuwi sa probinsiya, si Nanay Glecy ay silbing inspirasyon sa ibang matatanda (at maging sa mga bata). Katunayan, hinihikayat niya ang mga ito upang tumulong bilang collector o usherette tuwing Misa. Aktibo rin siya sa mga organisasyon lalo na sa mga may kinalaman sa gawaing pagsamba. Pero hindi lang dun nagtatapos, si Nanay Glecy ay may ginintuang puso rin na laging nagbibigay, laging tumutulong. Naalalala ko tuloy yung Babaeng Balo na pumasok sa Templo, ang kanyang kahuli-huling sentimo ay binigay niya pang handog. Ganun si Nanay Glecy, yung kanyang kahuli-huling hininga ay iaalay pa rin niya.

Marami pang Ryan, Engel, Mareng Loida at Nanay Glecy sa ating paligid; ang kanilang kalagayan, kahinaan, kakulangan, kapansanan ay nagsisilbing kalakasan upang sila'y makapaglingkod at tumulong sa pagtaguyod ng Munting Langit para sa iba.

Tuesday, August 17, 2010

munting langit 2

Magpuri at magpasalamat sa Panginoon araw-araw!

Pero paano nga kung may kapatid kang addict sa shabu? Paano kung ikaw ay nagsilang ng sanggol out of wedlock? Paano kung stage 4 na yung breast cancer mo? Paano kung tulad ka ng nasa Ebanghelyo nuong Lunes, isang napakayamang tao na hindi kayang isuko ang kanyang yaman para makapamahagi sa iba?

Pero sabi nga sa Ebanghelyo ngayon araw, ang imposible sa tao, posible sa Diyos.

Posible na sa kabila ng pagkainis ni T sa kanyang kapatid na C, tutuparin pa rin niya ang pangako niya sa kanyang mga nasirang magulang na hindi niya ito papabayaan. Minsan ay sumusuko siya, minsan paimpit siyang sumisigaw sa banyo o sa sariling silid. Minsan lumuluha na lamang sa Adoration Chapel. Minsan tumatakas at tinatalikuran na lamnag ang kapatid para hindi nito nakikita ang ginagaw nitong mga kalokohan. Ilang beses na siyang pinagnakawan, ilang beses na siyang niloko at inisahan.

Posible pa ring magpasalamat at magpuri si T dahil sa kabila ng kalagayan ng kapatid, makakakita pa rin siya ng kabutihan sa kalooban nito. Sa kabila ng pagiging sakit ng ulo, tamad at 'palamunin' , gumagawa pa rin ng paraan si C para mahilot ang puso ni T. Mga maliliit na bagay na nagbibigay pa rin ng dahilang ngumiti si T.

Posible ring ituring ni M ang kanyang anak na biyaya mula sa Panginoon, kaya nga ito ang tawag niya dito. Kaya sa kabila ng mga sitsit at bulong-bulungan, matatag na nakatayo si M mula sa kanyang pagkadapa. Kung tutuusin, hindi ito pagkadapa o pagkakamali para kay M. Ito ay desisyon, kanyang kagustuhang maging ina, sa kabila ng pagiging dalaga. Maganda na ang trabaho ni M uli. Bagama't hirap siya sa oras, nagmamadali sa pagpasok, nagmamadali sa pag-uwi. Sa umaga kailangang tiyakin niyang maayos ang anak bago ibilin sa kasama sa bahay. Sa gabi, nakikipag-unahan sa pila ng FX para madaling makapiling ang anak. At sa kanyang pagtulog, katabi niya ito at laging pinagmamasdan. Ito ang kanyang munting anghel sa munting langit na kanyang binubuo sa kanyang tinutuwid na pamumuhay.

Si A ay tinuturing nang dead woman walking. Dati kapag kausap ko siya, ako ang nahihirapan para sa kanya. Sa kanyang kanser sa dibdib, iisipin mong dapat ay nakahiga na laman siya lalo na't stage 4 na ito. Ika nga, isang hibla na lamang. Pero yun mismong hibla na iyon ang kanyang pinanghahawakan upang patuloy na ipagdiwang ang buhay. Upang namnamin ang bagong umaga at ang pag-asa na dulot nito. Upang gamitin ang bawa't minuto upang maglingkod at magpuri't magpasalamat sa Panginoon.

Aktibo si A sa aming Parokya. At kakaiba ang kanyang tungkulin dahil isa lang naman siya sa mga tagapagtaguyod ng mga Batayang Pamayanang Kristyano. Ito yung BEC o basic ecclesial communities, mga magkakapitbahay na tinipon at binuo upang maging 'maliliit na Simbahan'. Marami na siya na-organize at hanggang kaya niya ay ginabayan niya ang mga ito para maging matatag. Karamihan sa mga kasapi nito ay mga simpleng tao, yung mga hindi naaabot ng institusyon ng Simbahan, yung mga unchurched o hindi nagsisimba. Hinahatid ni A sa kanila ang Mabuting Balita upang sila rin ay makapamahagi sa iba, makapagtaguyod din nga mga munting langit sa lupa simula sa kani-kanilang pamilya, upang sila rin ay makapagpuri at makapagpasalamat sa kabila ng kahirapan.

Tulad ni T, ni M, at ni A....patuloy tayong magpuri at magpasalamat, sa kabila ng lahat.

Monday, August 16, 2010

Munting Langit

Sa Ebanghelyo kahapon, pinakita kung paano nagpuri at nagpasalamat si Maria sa Panginoon sa pamamagitan ng kanyang 'Magnificat'. Sa homiliya ng aking kaibigang pari na ssi Fr. Erik, hinamon niya ang mga nakikinig na patuloy na magpuri at magpasalamat sa Panginoon sa gitna ng mga pasakit at pagdurusa, sa kabila ng mga pinagdaraan natin. Naisip ko tuloy, paano ka magpapasalamat kung ikaw ay may matinding sakit? Paano ka makakapagpuri sa Panginoon kung ikaw ay nahihirapan sa iyong kalagayan. Patuloy pa ni Fr. Erik sa kanyang homiliya, hinahamon din daw tayo ng Ebanghelyo na gawin natin ang misyon ng Panginoon, na tanggapin natin ang biyayang makapagbuo ng mga munting langit dito sa lupa.

Magpuri, magpasalamat, magtaguyod ng munting langit?

Habang nagsesermon si Fr. Erik ay naalala ko ang aking kaibigang si C. Nung isang buwan lamang ay nadiagnose siyang HIV positive. Dahil bakla ako, iisipin niyong bakla rin ang kaibigan ko. At ikakahon niyo rin na kaya siya nagkaganun ay dahil sa kaniyang kabaklaan. Bahala na kayo sa inyong panghuhusga. Si C ay Bi, pero kakaunti lamang ang may alam na kanyang oryentasyon. Tinatago niya ito lalo nasa kanyang pamilya. Takot siyang malaman ito ng kanyang mga magulang lalo na kanyang ama na mailap sa kanya. Hindi kasi siya lumaki na kasama ito sa bahay. Matagal na panahon na namalagi bilang OFW sa Saudi ang kanyang ama at hindi sila nagkaroon ng pagkakataong magkaroon ng lalaki-sa-lalaking usapan bilang mag-ama. Higit pa dun, nararamdaman din ni C na alam ng kanyang ama na 'iba' siya. Kaya halos di sila nagkikibuan sa bahay mag-ama.

Pero sa hipo ng Diyos, ang pagiging HIV positive ni C ang nagbigay ng daan upang maging magkalapit silang mag-ama. Sa pagitan ng mga hagulgol ay kinuwento ni C sa akin kung paano siya niyakap ng kanyang ama ng gabing sabihin niya sa mga magulang ang kanyang kalagayan. Atubili man, naglakas loob siyang kumatok sa kuwarto ng mga magulang upang sabihin sa kanila ang nalaman niya. Hawak ang 'confirmatory letter' mula sa San Lazaro, walang gatol niyang sinabi na siya ay HIV positive. Hinihintay niya na ang galit, hinanda niya na ang sarili sa mga mura ng ama. Pero hindi iyon ang nangyari. Bagkus ay tumayo ang kanyang ama at nung akala ni C na lalabas ang kanyang ama sa silid ay napayuko na lamang siya at sinikil ang kalooban sa dobleng sakit na kanyang nararamdaman. Pero nagulat siya dahil naroon ang kanyang ama na lumuhod sa kanyang harapan at niyakap siyang pagkakahigpit-higpit at sinabi sa kanya " Hindi kita pababayaan anak, hindi tayo papabayaan ng Diyos.'

Ito si C, ang aking kaibigan, nagpupuri at nagpapasalamat sa Diyos, dahil sa kabila ng kanyang pagiging HIV positive, natagpuan niya ang bagong langit sa pamamagitan ng pagmamahal ng kanyang sariling ama.

Mayroon pa akong isang kaibigan, si Reynan. Isa ang kanyang Mama sa mga dinakip at pinaratangang komunista ng pamahalaang Arroyo. Yung mga 43 health workers na ngayon ay nasa Camp Bagong Diwa. Nung Biyernes lamang ay nagmisa sina Fr. Erik doon. Natuklasan naming sa kabila ng kanilang pagkakulong, sila ay patuloy na naglilingkod sa kapwa. Paano? Dahil sila ay mga tunay na health volunteers at ilan ay mga doktor at nars talaga, ginagamit nila ang kanilang angking galing upang gamutin at arugain ang mga maysakit sa Camp Bagong Diwa, mga tulad nilang preso, mga tulad nilang pinagkaitan ng mga basic rights na dapat binibigay ng pamahalaan kahit sa sinumang nakakulong. Dahil di naman maganda ang hygiene at talamak ang mga sakit dahil di pinapanatili ang kalinisan at kaayusan sa mga kulungan dito sa Pilipinas, karamihan sa kanila ay mga galis sa balat, may mga ubo at madalas na tinatrangkaso....Dito, dito natagpuan ng 43 health workers na komunista raw ang kanilang misyon, dito nila nalaman na sa kabila ng pagiging preso, patuloy pa rin nilang magagampanan ang kanilang hangaring makapagluingkod sa pamamagitan ng paggagamot.

Natagpuan at tinataguyod ng 43 health workers ang munting langit sa Camp Bagong Diwa.

Ikaw, sa kabila ng anumang problema, maliit o malaki, magaan o mabigat ---kaya mo bang maging tulad ni C at ng 43 health workers? Kaya mo pa bang magpuri at magpasalamat at magtayo ng munting langit sa lupa kung ikaw ay nasasaktan o nahihirapan?