Tuesday, March 25, 2014

Dear Friendship Emy


Sa pagbuhos ng ulan
Sa haplos ng hangin
Alaala mo ay nakaukit
Sa pisngi ng langit

Sa iyong burol, may lamesa sa tabi ng iyong kanlungan kung saan may nakalagay na mga kulay pink na papel na korteng puso, may note na ‘PS I Love You’ at sabi ay maaari kaming gumawa ng sulat at ihulog lamang sa plastic box na katabi ng note. Isasama raw ang kulay na pink na papel na korteng puso sa iyong huling hantungan.

Friend, pasensya na, pero hindi kasya sa kulay pink na papel na korteng puso ang nais kong sabihin sa’yo.

Sa totoo lang, wala akong masabi sa iyong paglisan.

Kagabi noong kakaunti na lamang kami, tinitigan kita nang husto. Nakatatak sa isip at puso ko ang mga matatamis mong ngiti. Your beautiful smiling face. At yun ang nais kong baunin sa iyong paglisan, yun ang nais kong manatili sa aking diwa.

Friend, isa ka sa mga pinakakamahal ko sa ating Parokya. Katunayan, hindi mo man alam, isa ka sa nagpapalakas ng aking loob na manatiling maglingkod. Napakaraming pagkakataong nais kong sumuko at bumitaw pero kapag naiisip ko na may isang Emy na nagmamahal din sa akin, sumasasaya ako: ibang klaseng ‘good vibes’ ang dala ng iyong mga ngiti.

Mga ilang buwan bago ka lumisan, alam kong nabawasan ang ngiti mo Friend. Ramdam na ramdam ko ang iyong lungkot at depresyon. Minsan ayaw na lang natin pag-usapan. Dinadaan na lang natin sa pagsimba, pagkain ng pansit, at pag-inom ng kape sa kumbento. Dinadaan na lang natin sa ngiti, bagama’t may kulang; dinadaan na lang natin sa masayang kuwentuhan, bagama’t kahit di sinasadya, may namumuo pa ring luha sa ating mga mata. Kapag tungkol na sa pamilya, tungkol sa mga anak at apo, tungkol sa mga kapatid --- lumalamlam ang ngiti, pumapait pati ang kape, umaalaat pati pansit. Marami tayong hangarin, marami tayong pangarap para sa ating mga pamilya pero ang higit na mas gusto natin ay yung simpleng makausap at makapiling ang ating mga mahal sa buhay. Minsan, kahit sa piling ng ating mga kaibigan, hianahanap pa rin natin ang yakap at kalinga ng pamilya.

Friend, mananatili ang iyong mga ngiti sa akin. Nakaukit sa langit na aking tatanawin kapag pinaghihinaan muli ng loob. Nakatatak sa isipan upang sa mga panahon ng kalungkutan, ngiti mo ang aking alalahanin. Nakaguhit sa aking puso upang laging may ‘good vibes’, laging may nagmamahal, laging may yumayakap.    


Dear Friendship Emy, I will miss you. I love you.

Kung ang lahat ay may katapusan
Itong paglalakbay ay makakarating
Din sa paroroonan
At sa iyong paglisan
Ang tanging pabaon ko ay pag-ibig

No comments: